Monday, March 22, 2010

Indie Films: Nakatutulong sa Pagpapaganda ng Ekonomiya


Unibersidad ng Santo Tomas

Kolehiyo ng Komersiyo

Ikalawang Semestre 2009-2010


Mga Mananaliksik:

1KAM

Legaspi, Ana Patricia O.

Mimura, Chiharu P.

Misa, Khen Darshan

Mortel, Rezel Angelo D.



I.

A. Panukalang Pahayag

Ang paggawa ng mga Indie Films ay nakatutulong sa pagpapaganda ng ekonomiya ng Pilipinas.


B. Introduksyon

  1. Pagtukoy sa Paksa

Ang pinahahalagahan ng pananliksik na ito ay tungkol sa paggawa ng mga Indie films na makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.


b. Paglahad sa Suliranin

  • Sa paanong paraan makakapag-ambag ang Indie Films sa ekonomiya ng Pilipinas?
  • Sa paanong paraan nakatutulong ang Independent films sa turismo ng Pilipinas?
  • Sa paanong paraan nakatutulong ang paggawa ng Independent films sa paglikha ng trabaho sa Pilipinas?


c. Kaligiran ng Paksa

Ayon sa pinansyal na ahensya ng Pilipinas, may balance of payments deficit ang Pilipinas na $1.195 billion dahil sa mahinang exports at magastos na imports. Nakababahala ang patuloy na pagbaba ng ekonomiya sa Pilipinas ngayon. Hindi malayong maapektohan ang lahat ng sangay ng industriya. Maging sa industriya ng mga palabas ay may epekto sa ekonomiya ng Pilipinas. Hindi binibigyang pansin ng karamihan ang mga Indie films dahil marami ang walang alam tungkol dito o kundiman ay kaunti lamang ang nalalaman. Ngunit hindi dapat ito balewalain dahil malaki ang tulong sa ekonomiya ang tumatangkilik dito, at karamihan ay mga dayuhan ang tumatangkilik dito. Kung gaano naliligayahan ang mga Pilipino sa mga palabas ng dayuhan ay ganoon din ang kanilang pagkahumaling sa indie films na gawang Pinoy. Patunay ito na malaki ang maitutulong ng independent films sa pag-unlad sa ekonomiya ng Pilipnas.


d. Personal o Panlipunang udyok

Napili ng mga mananaliksik ang paksa dahil nais alamin ng mga mananaliksik ang magandang epekto ng patuloy na pag-usbong ng Independent films sa Pilipinas.


C. Rebyu o Pag-aaral

Ang mga impormasyon na nasagap ng mga mananaliksik ay base sa mga internet websites, Libro ng Pelikulang Pilipino ni Emmanuel Reyes, at iba’t ibang artikulo tulad ng nasa cinemalaya.org kung saan makikita ang mga impormasyon ukol sa Independent films sa Pilipinas. Dedikado ito upang maitaguyod at mapagtibay ang pundasyon ng Philippine Independent films.


D. Layunin

Pangkalahatan:

Makatutulong ang pananaliksik na ito sa paglaganap ng impormasyon sa mga tao na makakapag-ambag sila sa ekonomiya ng Pilipinas sa simpleng pagtangkilik ng Independent films.

Tiyak:

Layunin ng pananaliksik na ito na malaman kung paano makatutulong ang pagtangkilik o panonood ng mga Indie films sa pagpapaganda ng ekonomiya ng Pilipinas. Layunin din ng pananaliksik na ito na malaman kung paano makatutulong ang pagtangkilik ng Indie films sa paglikha ng trabaho at pag-unlad ng turismo sa Pilipinas.


E. Halaga

Ginawa ng mga mananaliksik ang pag-aaral na ito upang mapakinabangan ng mga sumusunod:

  • Ang mga taong tumatangkilik sa Independent films upang magkaroon sila ng kaalaman na sila ay makakpag-ambag sa ekonomiya ng Pilipinas.
  • Ang mga prodyuser ng Independent films
  • Mga dayuhan
  • Mga mamumuhunan
  • Ang turismo ng Pilipinas
  • Ang industriya ng Pelikulang Pilipino


F. Metodolohiya

Ang mga mananaliksik ng pag-aaral na ito ay gumamit ng iba’t ibang artikulo at ng internet. Nagsaliksik sa mga aklat tungkol sa pelikulang Pilipino, bumisita sa websites ng Cinemalaya at kumapanayam ang mga mananaliksik ng mga propesor na propersyunal sa larangan ng ekonomiya.


G. Saklaw/ Delimitasyon

Ang pananaliksik na ito ay tumutukoy sa ambag ng independent films sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng Industriya ng Turismo sa bansa at paglikha ng mga trabaho.


H. Daloy ng pag- aaral

Ang unang kabanata ng pananaliksik ay tungkol sa pag-gugol ng atensyon sa epekto ng Independent films sa ekonomiya ng Pilipinas. Makikita rin ang introduksyon sa paksa at ang mga datos sa pananaliksik na ito at lahat ng mga impormasyong nakalap at napagsama-sama mula sa mga interbyu at iba pang pag-aaral.

Ang ikalawang kabanata ng pananaliksik na ito ay tungkol sa analysis ng mga datos, ang mapagtanto ng mga mananaliksik sa pag-aaral na ito at ang maaaring irekomenda ng mga mananaliksik pagkatapos maisagawa at maisaayos ang pananaliksik na ito.


I. A. Maikling Pelikula Noon at Ngayon nina M.E.V. Gonda at R.A.R. Pascua

NAKAHILIGAN na ng mga Pilipino ang manood ng pelikula.

Mula sa pinakabakyang pelikulang Pilipino hanggang sa mga epikong banyagang palabas, tinatangkilik ang industriyang ito. Bukod sa mura at isang magandang libangan, kinakikitaan din ito ng iba’t ibang imahe ng kultura. Kaya naman marami na ang sumubok na pumasok sa mundo ng paggawa ng pelikula.

Nakapaghatid ng malaking kontribusyon sa pelikulang Pilipino ang pagdating ng mga banyaga dito sa bansa. Dahil dito, nakapagtatag ang mga Filipino filmmakers ng sariling independent film company na muling nabuhay ngayon. Ilan sa mga nagpaunlad at namayagpag noon sa industriya ng malayang pelikula ang mga sumusunod:

1897. Dumating ang prestihiyosong Lumiere Cinematograph ng Italya, isang independent film company sa Paris, na dala ng isang sundalong Espanyol na si Antonio Ramos. Ipinalabas ang unang pelikula nito sa isang sinehan sa Escolta.

1898. Sa pamamagitan ng Lumiere unang nakagawa ng malayang pelikula dito sa bansa. Ang Panorama de Manila (Manila Landscape), Fiesta de Quiapo (Quiapo Feast), Puwente de España (Bridge of Spain) at Esceña Callejeras (Street Scenes) ang mga unang pelikulang nagawa sa bansa;

1903. Si Jose Jimenez, isang backdrop painter, ang nagtayo ng unang indie film company, ang Cinematograpo Rizal, na siyang kauna-unahang sinehang pag-aari ng isang Pilipino;

1909. Sa taong ito nagkaroon ng orihinal na pelikulang gawa sa Pilipinas, ang Rose of the Philippines, sa ilalim ng produksyon ni Carl Laemmele’s Independent Moving Picture Company;

1925. Ilan sa mga unang independent producer bukod kay Jose Jimenez sina Vicente Salumbides (Miracles of Love-Salumbides Films) , Manuel Silos (The Three Tramps) at George Musser (Ang Aswang);

1953. Sa taong ito nilikha ni Larry Alcala ang kauna-unahan niyang film animation, isang uri ng indie film;

1960. Nanalo ng Prix Cidalc Award ang short film na pinamagatang Bayanihan ni Manuel Conde at nagkamit din ng Conde de Foxa Award ang La Campana de Baler (Ang Kampana ng Baler) ni Lamberto V. Avellana sa España;

1962. Ginanap ang First National Festival ng mga short film at nagkamit ng gantimpala ang peli-kulang The Barranca Story ni Avellana;

1964. Ginanap ang iba’t ibang film festivals sa ilang panig ng mundo tulad ng Second National Festival ng mga short film sa ating bansa. Binigyan ng ikalawang gantimpala ang pelikulang Soul of Fortress sa Bilbao Film Festival. Nagkamit din ito ng mga internasyonal na gantimpala. Tumanggap naman ng Rotary Award for Service to Mankind ang pelikulang Mangandingay, a Place of Happiness sa ginanap na Asian Film Festival.

1977-1978. Ipinalabas ang Mababangong Bangungot ni Kidlat Tahimik (Eric de Guia) sa Young Filmmakers Forum ng Berlin Film Festival. Binigyan ang pelikulang ito ng gantimpalang Prix de la Critique Award ng Interfilm Jury.

1979-1981. Itinatag ang Mowelfund Film Institute sa pamumuno ni Surf Reyes upang gumawa ng mga short films at maglunsad ng mga pagsasanay, at seminar.

Inilunsad din ang Fifth CAA Workshop kung saan siyam na super-8 na mga pelikula ang nagawa kabilang na dito ang Alingawngaw, Bodabil, at Ang Kutsero ng Purok Himlayan.

Nagsimula rin noong 1980 ang pagpapadala ng mga Pilipino sa ibang bansa upang makapag-aral. Si Resty Reyes ang kauna-unahang cinema direct scholar na pinadala sa Paris, France.

Noong 1981, sa ilalim ng pamamahala ni Nick Deocampo, inilunsad naman ang First Manila Short Film Festival sa UP.

1982-1984. Ginanap ang First Experimental Cinema of the Philippines (ECP) Annual Short Film Festival. Patuloy ang pamamayagpag ng industriya. Naging aktibo ang pelikulang Pilipino sa Germany. Ipinalabas sa Wurzburg ang Ang Babae sa Bintana, Pecha Bridge, Kabaka at Daluyong. Nakilahok din ang ilang mga pelikula sa Super-8 Film Festival sa Brussels kung saan tumanggap ng unang gantimpala ang Tatay Na, Nanay Pa ni Rowena Gonzales.

Sa ngayon, isang hudyat ng malayang kaisipan at pagliban sa mainstream ang paglabas ng independent films. Isa rin itong pahiwatig sa kakayahan ng mga baguhang filmmakers na nagtataguyod at nagpapahalaga sa kalidad ng pelikula sa bansa.


I.B Independent Films

Ayon sa CCP Encyclopedia, sabay na umusbong ang tradisyon ng independent films at ng mainstream cinema sa bansa. Kung kumbensyunal na kuwento ang ginagawa ng mainstream cinema, ang independent films ang itinuturing na alternatibong pinilakang tabing. Dekada 1920 pa lamang, marami na ang gumagawa ng independent films na ayaw magpasailalim sa malalaking studio. Ngunit nahinto ang pag-usbong nila sa pagdating ng ikalawang digmaang pandaigdig.

Noong dekada 1950, matapos ang digmaan, nagsimula ang pagtatag ng komunidad ng independent filmmakers sa bansa. Naitatag ang mga paaralan at mga organisasyon na sumusuporta sa mga short film at documentary filmmakers. Nagkaroon din ng mga pangmundo at pambansang film festivals para maranasan ng mas nakararaming tao ang iba’t ibang uri at estilo ng mga pelikula. Dalawa sa mga unang premyadong mga independent filmmakers sina Lamberto at Jose Avellana, sa mga huling taon ng dekada 1950 at mga unang taon ng dekada 1960.

Pero nananatiling pinakasikat at pinakamagaling sa mga unang kilalang independent filmmakers si Ernesto de Guia o mas kilala bilang si Kidlat Tahimik. Nanalo ang kanyang pelikulang “Mababangong Bangungot" ng Prix de la Critique Internationale, isa sa pinakatanyag na paligsahan ng independent films sa mundo. Hanggang sa kasalukuyan, aktibo pa din si Kidlat Tahimik sa paggawa ng mga pelikula.

Simula ng dekada ’80 hanggang sa kasalukuyan, ang independent cinema ang nanatiling bukal ng mga orihinal, mapanlikha at premyadong mga pelikula. Higit sa mga naging sosyo-politikal ang karaniwang tema ng mga independent films, at higit na naging eksperimental ang mga paraan ng pagkuha ng pelikula. Ang “Anino”, isang maikling pelikula ni Raymond Red, ng Palme d’ Or (Best Short film) sa tanyag na Cannes film festival. Iyon din ang kauna-unahang panahong may nakasaling pelikulang Pilipino sa paligsahan sa Cannes.

Ayon sa artikulong Indie Films: Kasarinlan sa Kumbensyunal nina Jumie Cruz at PJ Mariano, ginawa ang mga independent films na hindi sumasailalim sa malalaking kumpanya kagaya ng Star Cinema at Viva films. Maliit lamang ang pondo para sa produksyon nito. Ang mismong direktor ang humahanap ng maaaring pagkuhanan ng pondo para sa kaniyang pelikula. Ngunit kahit maliit man ang nakalap na pondo, hitik na hitik naman ito sa makasining na paggawa ng mga independent films. Malaya ang direktor na bumuo ng isang pelikula na hindi iniisip kung papatok ito sa takilya at kikita ng marami para sa kompanya.


I.B.A Independent Film Finance Group

Ang independent film finance group ay binubuo ng mga filmmakers, distributors, at film organizations. Layunin ng grupo na magbigay ng tamang ideolohiya at gabay pinansyal sa mundo ng independent film financing. Gawain ng grupo na pamahalaan ang pinansyal na proseso ng independent films. Dahil dito, mas naitutuon ng mga prodyuser ang kanilang pansin sa malikhaing elemento ng pagbuo ng pelikula.


II. Ekonomiya ng Pilipinas

Ayon sa International Monetary Fund, ang ekonomiya ng Pilipinas ang ika-lima sa pinakamaunlad na ekonomiya sa timog silangang Asya. Noong 2007, ito ang 37th na pinakamaunlad na ekonomiya sa buong mundo batay sa purchasing power parity nito. Ang Pilipinas ang ang isa sa may pinakamabilis umunlad na ekonomiya sa Asya, na natatampok ng real GDP na tinatayang 7.37% noong taong 2007.


III. Epekto ng Independent films sa turismo


(CLICK PARA MAKITA ANG CHART)


Ayon sa graph, ang Pilipinas ang may pinakamataas na tanggap ng turismo sa sampung bansa na nakalagay sa graph.


III.A. Interbyu

Ayon kay Mary Hildence Baluyot, isang propesor ng asignaturang Ekonomiya sa Unibersidad ng Santo Tomas, ang independent films ay nakakapagambag sa pagpapaganda ng ekonomiya ng Pilipinas sa paraang nakakapagpadami ito ng trabaho at dahil sa location settings, ang turismo ng bansa ay kumikita. Gayundin, ang promosyon ng talentong Pilipino ay tumataas dahil sa napapanood ng ibang bansa ang gawang Pilipino na siyang nagiging daan upang magbukas ang pinto para sa mas marami pang oportunidad sa larangan ng paggawa ng pelikula. Dahil sa independent films, nabibigyang trabaho ang iba’t ibang tao kagaya ng mga artista at mga extra sa pelikula. Gayundin ang mga cinema, ang mga tauhan ng cinema kagaya ng mga dyanitor. Ayon kay Ginang Baluyot, ang trabahong naibibigay ng independent films ay hindi lamang sa mga direktor. Ito ay may mga sangay.

Ayon kay Karen Valdez, propesor sa larangan ng Ekonomiya sa Unibersidad ng Santo Tomas, maaaring makita ng mga banyaga ang sining at kultura ng Pilipinas dahil sa Independent films na siyang nakatutulong sa turismo ng bansa. Tumataas ang kalidad ng indie films at sa kadahilanang ito, tumataas ang demand para sa mga pelikulang ito. Bilang resulta, ang kinikita ng mga producer ay tumataas din. Ang pagtangkilik ng Indie films ay maghihikayat sa mga bagong investors ng Indie films at ito ay ikalalago ng industriya ng pelikula.


IV.

Konklusyon:

Dahil sa patuloy na paglaganap ng independent films, maraming mamumuhunan ang naeengganyo na mamuhunan at sumubok sa industriya ng pelikulang Pilipino partikular na ang independent films. Ang ekonomiya ay naaapektohan dahil na rin sa buwis na nakapataw sa independent film na ipinapalabas sa ibang bansa. Dahil sa turismo na naidudulot ng independent films, nakikilala ang industriya ng pelikulang Pilipino. Isang magandang epekto nito ay ang pagbubukas ng mga trabaho sa industriya ng paglikha ng Independent films at pagpapalabas ng Independent films. Dahil dito, tumtaas ang bilag ng may mga trabaho at nababwasan ang kahirapan sa Pilipinas.


Rekomendasyon:

Inirerekomenda ng mga mananaliksik na magkaroon ng batas sa Pilipinas kung saan ang tax na nakapataw sa nilikhang Independent film ay maaaring ma-refund kung ito ay sasailalim at makakapasa ang panukala ng gastos ng produksyon nito. Ito ay upang mas marami pang investors ang maengganyo na magtayo ng negosyo sa Pilipinas na lilikha ng trabaho. Gayundin ang pagkakaroon ng preview room na nakabase sa mga mall kung saan ipapalabas ang mga independent film na gawa ng mga Pilipino. Ito ay makatutulong din sa turismo sa bansa na siyang magdudulot ng magandang epekto sa Ekonomiya ng Pilipinas.


SANGGUNIAN:

SHORT FILM Emergence of a New Philippine Cinema, at www.ncca.cov.ph.

http://www.cinemalaya.org/

CCP Encyclopedia

Top Ten Countries in Tourist Receipts 2006-2007 (http://rankingamerica.wordpress.com)

No comments:

Post a Comment